"Liwanag"
Labing walong taong gulang na siya, at maglalabing-siyam na sa darating ng Abril, siya ay pang-lima sa walong magkakapatid. Sanay na sila sa maingay, mahirap ngunit masayang buhay sa kanilang munting bahay. Sila ay nakatira sa Cainta, isang kalapit na lugar ng Pasig kung saan siya at ang kaniyang mga kapatid nag-aaral. Ang kanyang ama ay isang Family Driver ng isang doktor na mag-asawa at ang kaniyang ina ay isang housewife. Katulad ng ibang mga bata, mahilig siya sa paglalaro, kahit na gabi na at masaya siyang maputikan, madapa, masugatan, o maging isang simpleng batang naglalaro. Ngunit habang lumalaki, nalaman niyang hindi lamang laro ang mahalaga at hindi habang buhay pwedeng laro lang ng laro. Nalaman niyang lahat tayo ay may responsibilidad.
Tinuturing siyang panganay ng kaniyang mga magulang dahil sa kaniyang husay at determinasyon sa pag-aaral. Naiintindihan niya ang kahalagahan ng responsibilidad na ito lalo na noong panahon ng pandemya. Tulad ng iba, siya ay nabigla at nanibago sa lahat ng bagay, lalo na sa sistema ng pag-aaral. Naasahan niya na tutulungan ang iba niyang mga kapatid sa kanilang online classes habang siya rin ay may online classes, ngunit nahirapan siya sa ganitong sistema. Ngunit sa loob ng dalawang taon, ito ay naging bahagi na ng kanyang buhay, kaya't ang pagbabalik sa dating sistema ay isa na namang bagong pagsubok para sa kanya.
Nag-aral siya sa Decastro Elementary School sa Pasig at mula elementarya hanggang senior high school sa paaralan ng Sta. Lucia High School sa Pasig City. Patuloy siyang nakakakuha ng mataas na marka at madalas pa ay napapasama sa mga may award sa kanilang klase. May pangarap siyang mabigyan ng maayos na buhay ang kaniyang pamilya, kaya nais niyang makatapos ng may matataas na marka at maging pinagmamalaki ng kaniyang mga magulang. Gusto niyang ipakita sa pamamagitan ng kanyang pag-aaral ang pasasalamat sa paghihirap ng kaniyang mga magulang. Dahil namulat siyang kung wala kang pinag-aralan, wala kang mapupuntahan, natakot siyang maging ganun lamang. Kaya siya ay nagpursige at nagsumikap upang makamtan ang mga ito.
Nais niyang hindi magpatuloy sa kolehiyo at magtrabaho pagkatapos niyang magtapos ng senior high school, upang makatulong sa pamilya at sa sariling pag-aaral. Nagnanais siyang mag-aral nang hindi umaasa sa tulong ng kaniyang mga magulang dahil kaya na niya. At kapag kaya na niya ang sarili niyang pag-aaral, siya ay muli na namang hahakbang at tutulong sa paglalakbay patungo sa kanyang mga pangarap. Nais niyang maging arkitekto at gumawa ng bahay para sa kanyang pamilya, ngunit alam niyang ang gastos nito ay hindi basta-basta. Kaya kapag nakapag-ipon siya at pagkatapos niyang magtrabaho, nais niyang ituloy ang pagiging IT at magtrabaho sa ibang bansa kung saan mas mataas ang sweldo at mas magandang buhay para sa kanyang pamilya.
Magsusumikap siya upang maabot ang bawat pangarap para sa pamilya at para sa sarili. Tulad ng kandila, nagnanais siyang maging munting ilaw sa kahirapan ng kanyang pamilya. Sa bawat hakbang niya, alay niya ang kanyang pangarap at determinasyon upang maging inspirasyon at liwanag sa kanilang buhay.
"AKING MGA KAPATID AT ANG AKING INA"